Konting Pangkalahatang Reaksiyon. Nang matapos kong panoorin ang palabas ay tumayo ang aking balahibo, hindi dahil sa takot kundi sa sobrang pagkamangha sa napanood ko. Napakahusay ang pagganap ng mga artista sa papel nila. Maganda ang pagkakasunod-sunod, gayundin ang pagkagawa ng buong istorya. Binabati ko ang mga tao sa likod ng produksiyon na ito sapagkat matatalino sila at naisip nilang magpalabas ng ganoon kaganda at katalinong palabas. Nasasabi kong matalino sila sapagkat nabatid ko na hindi lamang puro komedya at katatawanan ang pinapalabas nila dito kundi alam kong mayroong natatagong kahulugan ang palabas na iyon. Binabati ko din ang mga nagsipagganap sapagkat, ayon nga sa nasulat ko, nagampanan nila nang mahusay ang mga papel nila. Nagpapasalamat ako kay Prof. del Mundo sapagkat binigyan niya kami ng pagkakataong makapanood ng isang mahusay at matalinong palabas. Binabati ko din ang PETA, dahil nagpalabas sila ng ganito kagandang play.
Buod ng Palabas.
Act 1.. Dumating si Spurius Titan Mamma sa kaharian ni Romulus na duguan at sugatan. Nais niyang ipagbigay alam kay Romulus na nasakop na ng kalaban ang Pavia, ngunit si Romulus ay ayaw tanggapin o pakinggan ang balitang dala niya. Mas ninais niyang kumain ng agahan at makipag-usap sa isang taong nais bumili ng mga busto ng palasyo. Sinabihan pa niya si Spurius na matulog at magpahinga kaysa pakinggan ang balita. Maya-maya ay dumating ang hari na si Zeno at pinaalam sa kanila na nasakop na ang kaharian niya. Nais niyang makipagsanib puwersa kay Romulus upang labanan ang mga German subalit ayaw naman ni Romulus na makipaglaban. Ayaw niyang sumabak sa giyera. Dumating si Caesar Rupf at inalok niya ang hari na babayaran niya ang mga kalaban ng 10 milyon sa isang kondisyon- nais niyang mapangasawa ang anak niya na si Rea. Ayaw pumayag ni Romulus. Sabi niya, mas gugustuhin pa niyang ibenta ang buong imperyo ng mura kaysa ipakasal ang anak niya.
Act II.. Ang mga natitirang tauhan ni Romulus ay biglaang nagtipon sa hardin at nag-usap tungkol sa nalalapit na pagbagsak ng imperyo nang biglang dumating si Emilian, ang mapapangasawa ni Rea. Nandidiri pa siya sa kaharian ni Romulus sapagkat marumi ito dala ng mga manok na naglipana sa buong kaharian. Lumabas si Rea mula sa palasyo. Sa kasamaang palad ay hindi siya nakilala nito dahil sa duguan at sugatan siya. Pinakilala ni Emilian ang sarili niya at nagulat si Rea dahil tatlong taon silang nagkawalay ni Emilian, at ngayon ay biglaan silang nagkita. Nais ni Emilian na kumuha ng sandata si Rea upang sumama sa kanya at makipaglaban, ngunit ayaw naman ng dalaga na gawin iyon. Nang marinig ng binata ang alok ni Rupf ay sinabihan nito si Rea na tanggapin ang alok alang-alang sa kapakanan ng kaharian. Sapilitan ang pagpayag ni Rea, ngunit nang lumabas si Romulus ay nagalit ito at hindi pinahintulutan ang dalaga na gawin ang nais ni Emilian.
Act III.. Binisita si Romulus ng kanyang asawang si Empress Julia na nagpaalam sa kanya. Aalis ng Roma ang reyna papuntang Sicily at doon na maninirahan. Ayaw sumama ni Romulus. Dito nagkaalaman na hindi kailanman minahal ng dalawa ang isa’t-isa, na naggamitan lang sila para sa pansariling kagustuhan. Nais ni Julia na maging Empress kaya niya pinakasalan si Romulus, at si Romulus naman ay nais maging hari na naglalayong pabagsakin ang isang bayan dahil sa madugong kasaysayan nito bago maabot ang kapangyarihang tinatamasa nito. Pagkaalis ni Julia ay binisita si Romulus ni Rea. Kinumbinse ni Romulus si Rea na pakasalan si Emilian at hindi si Rupf dahil aniya, "mas mahirap maging tapat sa kapwa kaysa sa estado." Nakita niya na may taong nagmamasid sa kanila kaya nang umalis si Rea ay bigla niyang pinalabas ang taong ito na nakilala niyang si Emilian. Mula dito ay biglang nagsulputan ang mga taong nagtatago sa silid ng hari. Ito ay sina Zeno, Spurius at ang sekretarya niya na nakasuot ng itim na damit at may dalang maliit na sandata. Plano nilang patayin ang hari ngunit hindi man lang natinag si Romulus. Hindi takot ang nababanaag sa mukha niya kundi pagkagulat dahil sa planong ito ng mga kampon niyang nagtraydor sa kanya. Ngunit bigla silang lumisan nang may sumigaw na dumating na ang mga kalaban. Mas ninais na lang nilang mamatay si Romulus sa kamay ng mga kalaban.
Act IV. Pagkagising ni Romulus ay sinalubong siya ng mga balita na ang dalawa niyang katulong ay inalukan ng trabaho ni Rupf at ang sinasakyan ng mag-ina niya papuntang Sicily ay nalunod. Tanging si Zeno lamang ang nakaligtas dito. Hindi nagpakita ng kahit na anumang pagkalungkot si Romulus, sapagkat alam niyang mamatay din siya sa araw na iyon. Nang dumating na ang puwersa ng mga kalaban na pinamumunuan ni Odoacer at ng pamangkin niyang si Theoderic, ay buong puso niyang sinalubong ang mga ito, pati na ang kamatayan niya. Subalit, hindi nais ni Odoacer na patayin ang hari kundi plano niyang humingi ng tulong dito. Magkapareho sila ng plano ni Odoacer na kailangan nang matigil ang pagkasakim ng mga tao sa kapangyarihan. Alam ni Odoacer na kapag naghari siya ay papatayin din siya ng pamangkin niya balang-araw. Kaya nagkasundo ang dalawa na gawing hari ng Italya si Odoacer at magretiro si Romulus na may taunang pension. Doon nagtatapos ang palabas.
Mga Natutunan. Sinabi ni Romulus na hindi digmaan ang sagot sa lahat ng bagay. Dahil alam naman natin na laganap ang giyera ngayon sa pagitan ng gobyerno at rebelde. Dahil sa kagustuhan ng taong makamit ang kapangyarihan ay ginagawa na niya ang lahat upang maisakatuparan ito. Ito ang naging dahilan na gustong ibagsak ni Romulus ang imperyong Romano dahil sa madugo nitong nakaraan. Nakamtan ng Roma ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpatay ng mga tao. Laging iniisip ng tao na para sa bayan o estado ang ginagawa nito. Nabubulagan sila sa ideyang ito kaya hindi nila nakikita ang mga taong naapakan nila. Nais ni Romulus isaalang-alang ang kapakanan ng tao kaysa sa bayan.
Mapapansin din natin na sa kalagitnaan ng gulo at digmaan ay walang ginawa si Romulus kundi hayaan na bumagsak ang imperyo. Planado niya ang lahat ng iyon. Naniniwala kasi siya na ang imperyalismo at ang globalisasyon ang siyang sisira sa ating lahat. Ito na siguro ang nangyayari sa atin sa kasalukuyan.
Siguro iyon ang nais iparating ng PETA sa atin. Nais siguro nilang ipahiwatig ang mensaheng iyon sa pamamagitan ng palabas na iyon.
Saturday, September 29, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment