Saturday, September 29, 2007

pagpatay kay andres bonifacio

I. A Few General Comments
Pagkatapos kong basahin ang lektura ni Prop. Danilo Aragon at ang lahat ng mga artikulong isinulat niya doon, para bang nabuksan ang mga mata ko sa katotohanan. Napakahirap ang paggawa nito sapagkat nangangailangan ito ng matinding pagsasaliksik. Sadyang mahirap talaga ito sapagkat para na ring binabago mo ang kasaysayan, o ang history ng ating bansa. Pinupuri ko si Prop. Aragon dahil sa gawa niyang ito. Naiintindihan ko rin ang panig ng mga na-interbyu sapagkat sadyang mahirap magkuwento lalo na kapag natatakot kang pagbantaan ng mga taong mayayaman na makasarili na ayaw ipalabas ang katotohanan. Pinupuri ko ang mga taong ito na nagpa-interbyu sapagkat matapang sila.
Bukod sa pagkamulat ko sa isang makabagong katotohanan, naramdaman ko rin ang pagkabigla. Sapagkat kailanman ay hindi lumabas ang katotohanang ito sa kasaysayan. Hindi namin ito natalakay sa aming paaralan. Siguro marahil ay talagang matinding pagtago ang ginawa ng mga taong responsible sa walang-awang pagpatay sa Supremong si Andres Bonifacio.
Nabigla ako sa katotohanang nabasa ko. Hindi ko akalaing ganito pala ang tunay na nangyari. Parang nakakapanghinayang na ang isang magiting na bayaning si A. Bonifacio na isang Pilipino ay binastos at pinatay nang walang awa ng isang kapwa ding Pilipino dahil lamang sa inggit o pagkasakim sa kapangyarihan. Parang napakawalang-hiya naman ng gumawa nito sa kanya (Bonifacio). Kung iisipin nating mabuti, makatarungan ang pinaninidigan ni Bonifacio. Ang prinsipyo niya ay makatao at maka-demokrasya. Kung isinantabi lamang ng mga tao ang pagkasakim sa kapangyarihan ay siguradong mas mananaig ang isang makatarungang bansa, at siguradong magpahanggang ngayon ay nakaukit sa puso natin ang prinsipyo ni Bonifacio.
II. Two Parts I Like The Most To React
a) Paano pinatay si Bonifacio?
"Bonifacio rushed to them, embracing the soldiers...paid no attention...fired continuously...tried to take Bonifacio's wife..."
Ang pahayag na ito ay galing kay A. Bonifacio at ng kanyang asawa na si Gregoria. Kung susuriin nating mabuti, pagkatapos ng lahat-lahat na ginawa nila (pangkat ni Kor. Bonzon) kay Bonifacio, ang pagbibintang nila na tinangay niya ang pera ng Katipunan, kabutihan pa rin ang sinukli niya. Kahit na nilusob na siya at handa ng patayin ng kapwa Pilipino, ay sadyang niyakap pa rin niya sila. Sa kabila ng pagmamaltrato nila sa kanya ay kabaitan pa rin ang isinukli niya! Ngunit hindi man lang ito naisip ng kampo ni Kor. Bonzon. Bagkus ay pinaputukan pa rin siya. Hindi natamaan si Bonifacio sa unang putok kundi ang isang katipunero. Sinabi pa nga niya na kapwa pilipino ang napatay nila. Ngunit hindi pa rin siya pinakinggan. Napakabastos naman! At para bang hindi nakuntento ay pinaulanan pa siya ng bala. Kahit na bagsak na siya ay sinaksak pa siya sa leeg. Talagang mababanaag natin na grabe ang galit nila sa kanya at ganun na lamang ang kabastusang ginawa nila. Para bang walang puso ang mga gumawa nito. Kapwa Pilipino pa na inosente ang binaboy nila!
b) Bakit Pinatay Si A. Bonifacio?
"Sa pagtalakay sa nakaraang paksa...ang kongklusyon ni Mabini...ang dahilan ay 'personal ambition' ni Aguinaldo...dahil matatalo ni Bonifacio si Aguinaldo."
Ang parteng ito ng lektura ang siyang nagmulat sa akin sa katotohanan. Kaya pala pinatay si magiting na Bonifacio. Ito ay dahil sa personal na mga dahilan, hindi pala para sa kabutihan ng nakararami, kundi personal na dahilan. Inggit. Galit. Pagkasakim sa kapangyarihan. Ang tao nga naman, hindi makuntento sa kanyang estado kaya patuloy na sinasamsam ang kagustuhan. At sa mali pang paraan ito pinapatupad.
Sumasang-ayon ako sa ideyang pinakita at inihayag sa lektura, o sa parteng ito ng sulatin. Tumutugma nga ang dahilang ito sa pagpatay kay Bonifacio. Kasi naman, sa sama ng ugali nila ay hindi na kaduda-duda na mas maraming papanig kay Bonifacio. Dahil si Bonifacio ay isang taong naninidigan para sa katotohanan at pagkakapantay-pantay. Dahil nga alam nilang matatalo sila at masasapawan sila ni Bonifacio ay bigla silang nag-isip nang iba't-ibang dahilan para lamang mawala sa landas nila si Bonifacio. Hindi naman makatarungan iyon. Sigurado naman talagang kaiinggitan siya (Bonifacio) dahil nga maraming papanig sa isang lider na kahit na walang natapos ay makatarungan naman. Bagay na hindi kailanman pinakita ng ibang Pilipino na kumalaban sa kanya.
III. Is The Article Still Relevant?
Naniniwala ako sa mga kasabihang "The truth will set everyone free" at "Walang sikretong hindi nabubunyag". Ito na nga siguro iyon. Kahit itago man natin ito ay lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan.
Sa aking pananaw ay talagang importante ang kaalamang ito. Kailangang malutas na ito at madiskubre na ang buong istorya tungkol dito. Dahil parang pahapyaw pa ang pinakita dito. Kailangang may isang taong maglakas loob na ikuwento ang buong katotohanan. Dahil naniniwala ako na kailangang mabigyan ng hustisya ang kamatayan ng isang magiting at huwarang Pilipinong bayani na si Bonifacio.
Kailangan at importante ang mga arikulo dito para nga mabigyan ng "historical justice" si Bonifacio. Kung kailangang baguhin ang nakatala sa kasaysayan ay nararapat lamang na baguhin ito. Huwag nating pagkaitan ng pagkakataong malaman ng lahat ng mamamayan ang katotohanan. Hahayaan na lamang ba natin na tuluyang mabaon sa limot ang katotohanang ito? Ganun na lang ba ang isusukli natin sa lahat ng ginawang kabutihan ni Bonifacio, pagkatapos ng kanyang ipinaglabang pagkakapantay-pantay? Kaya nga pinupuri ko si Prop. Aragon dahil ang ginawa niyang ito ay isang hakbang upang mabigayng linaw ang pagkamatay ni Bonifacio.

1 comment:

tbc said...

lets spread this...


its hard to change what is written already in the books. But by this initiative may we set the full story and maybe the whole truth.


"todo lo que ce necesita es amor!"

...

-tbc