Sa bahay ng kaibigan ko siya nakita. Namamalantsa. Kakatapos lang niyang maglinis ng buong bahay. Tagaktak ang pawis niya. Hindi ko alam kung bakit parang may kakaiba akong naramdaman. Gumaan ang loob ko nang makita ko siya. Marahil ay nakikita ko ang mama ko sa kanya tuwing nagtatrabaho siya. Hindi ako nag-alangang lumapit. Alam kong pagod na siya. Kaya nais kong pawiin iyon sa paraang alam ko.
Binati ko siya. Hello po. Kamusta po kayo? Ah. Kaibigan ka ba ni RL? Maayos naman ako. Gusto mo ba ng maiinom?
Hindi na po. Ok lang. May kinuha lang po si RL sa kuwarto niya. Ngumiti siya.
Siya si Erlinda Otadoy, 47 taong gulang. Isa siyang katulong ngunit uwian. Kasalukyan siyang namamasukan sa pamilya Canhe na nakatira sa No. 21, Road 9, Project 6, Quezon City. Nagtatrabaho siya mula alas singko ng umaga hanggang alas singko ng hapon. Nagtataka ako bakit nasa ibang bahay siya na kung tutuusin ay ala una pa lamang iyon ng hapon. Iyon pala, umeekstra siya sa paglalaba at paglilinis ng bahay. Isa sa mga ineekstrahan niya ang bahay ng kaibigan ko.
Sinubukan kong pagaanin ang loob niya. Kinausap ko siya. Ako po si Ralph. Ngumiti lang siya. Taga-saan po kayo? Taga- Napocor Village. Dun sa Tandang Sora. Malayo ba iyon? Medyo. Kapag sinabi kasing village, naiisip ko kaagad na mayayaman ang nakatira dun. Nagtataka tuloy ako. Hindi naman talaga kami sa loob ng village nakatira, nasambit niya na para bang nababasa niya ang nasa isip ko. Saan po? Nasa gilid lang ng village. Amin iyong bahay. Pero para na din kaming taga-village. Ngumiti ulit siya.
Mabait naman pala si Aling Linda. Hindi ako nahihiyang magkuwento at magtanong.
Sa Las Pinas po kami nakatira, sabi ko. Namamasukan din kami bilang katulong sa bahay ng tita ko. Tatlong libo po ang suweldo namin kada buwan. Buti na nga lang ho at may pinagkakakitaan kami para may allowance ako. Kayo ho? Tatlong libo din kada buwan. At may 200 pang allowance kada linggo. Parehas pala tayo.
Nasaan po ba asawa niyo? Nagtatrabaho din po ba siya? Ah. Wala siyang permanenteng trabaho. Pitong buwan na nga eh. Pero noong huli siyang nagtrabaho, kumita siya ng 450php kada araw. Iyong papa ko po, patay na. Napagtripan po siya ng mga adik. Nakakalungkot nga ho eh. Ganun ba? Nakikiramay ako sa iyo anak.
Iniba ko ang usapan. Kasya po ba ang kinikita niyong dalawa? Medyo. mga kulang kulang 100 lang naman ang nagagasta namin araw-araw. 200 pesos ang binabayad namin para sa kuryente at 200 din sa tubig. Saka, isa na lang ang estudyante namin. Ay, oo nga pala. Ilan po anak niyo? Lima. Ang bunso na lang ang nag-aaral. Second year High school. Iyong apat, hayskul lang ang natapos. Hindi na nakapag-kolehiyo dahil hindi kaya ang gastusin. Wala po silang trabaho? 'Yong pangatlo, ang aming unico hijo na may asawa na, tinutulungan ang kanyang itay kapag nagkakaraket. Iyong pangalawa naman, hiwalay na. Ngayon, umeekstra na siya sa paglalaba. Ang iba, dalaga pa.
Hindi ko naitanong kung mayroon na bang anak ang dalawa. Naisip ko, buti naman at kahit papaano'y nagtatrabaho na din ang iba niyang anak. Para naman matulong-tulungan nilang matustusan ang pangangailangan nilang mag-anak. Mabuti at hindi nila hinayaan ang nanay nila na mag-isang nagtaguyod sa kanila.
Nagbabakasakali ako. Mga magulang niyo ho? Tanong ko. Patay na sila. Mama ko namatay sa kanser. Nabigla ako. Kanser. Para bang ang sakit ng pagkabigkas niya. Wala akong ibang masabi kundi nakikiramay po ako. Iniba ko na ulit ang usapan.
Bago ho kayo namasukan bilang katulong, mayroon po ba kayong ibang trabaho? Ah, noon saleslady ako sa Uniwide. Tapos sa COD. 'Di ko na matandaan ang ibig sabihin nun. Isang taon ako dun. Tapos sa paggawaan ako ng sinturon nagtrabaho, sa may Congressional yun. Kakasimula pa lang ng negosyong iyon. Mahigit 2 taon din ako bago tumigil. Bakit ho kayo tumigil dun? Kasi pinagbubuntis ko ang aking panganay. Babae. 20 taong gulang ako nun.
Ngumiti ako. Andami niyo na ho palang napasukang trabaho. Kaya pala ang liksi niyo at para bang sanay na kayong kumayod. Buti naman po healthy kayo. Healthy naman po kayo, hindi ba? Ngumiti siya.
Tapos na siyang namalantsa. Nililigpit na niya ang mga damit. Hindi ko namalayan nasa tabi ko na pala si RL. Tinanong niya kung anong pinag-usapan namin. Sabi ko, wala. Tungkol lang sa life story naming dal'wa.
Hindi ko na siya masyadong napanayam. pagkatapos nun. Medyo mag-aalas tres na kasi nun. At kailangan na niyang bumalik sa pamilya Canhe.
Inakala kong walang masyadong interesante sa kanya. Pero nabigla ako nang kinuwentuhan ako ng mama ng kaibigan ko pagkaalis ni Aling Linda.
May kanser yun.
Po?!
May kanser si Aling Linda.
Po? Kanser? Paano? Bakit? Anong kanser?
Naglalaro ang mga tanong na ito sa aking isipan. Hindi makalaunan ay nabigyan din ito ng mga kasagutan.
May bukol pala sa tiyan si Aling Linda. Ito ang naging ugat ng sakit niya. Nanatili itong lihim, kahit ang pamilya niya ay walang kaalam-alam. Sabi ni tita, baka ayaw lang niyang kaawaan siya o pandirihan kaya niya ito itinago. Iniisip ko baka nasa genes nila iyon, dahil nabanggit nga niyang sa kanser namatay nanay niya. Kaya pala parang may bahid na kalungkutan ang pagkabigkas niya ng salitang kanser. Dahil alam niyang daranasin din niya ang tinahak na daan ng ina niya.
Noong nakaraang taon pa niya nalaman sakit niya. Tinanong ko si tita kung anong nagingreaksiyon ni Aling Linda nang malaman niya sakit niya. Naiyak daw. Pero nanatili pa rin siyang matatag. Sa nakikita ko nga sa kanya, aakalain mong wala siyang karamdaman. Ang liksi nga niya. Kaya pala ngumiti lang siya ng tinanong ko siya kung healthy siya. Ang masakit pa noon, ayaw niyang ipaalam sa pamilya niya. Kung tutuusin, sa kalagayan niya, dapat nasabi na niya iyon para matulungan siya o di kaya'y pagpahingahin siya ng pamilya niya. Pero hindi. Kasalukuyan niyang nilalabanan ang sakit niya.
Nakakalungkot ngang isipin na sa kabila ng kabaitan ni Aling Linda ay nakakaranas siya ng ganoong kalaking pagsubok. Para bang hindi nararapat na tahakin niya ang ganoong landas. Sa kabila ng lahat ay nanatili siyang malakas at matatag. Kaya siguro iyon binigay sa kanya ng Panginoon dahil alam Niyang kaya niya iyon.
Si Aling Linda. Matatag. Huwaran. Masipag. Larawan ng isang ulirang ina na patuloy na tinataguyod ang pangangailangan ng kanyang mag-anak sa nalalabing oras ng buhay niya. Isa lamang siyang patunay na ang mga tao'y may iba't-ibang uri ng krus na pinapasan. Isa lamang siya sa maraming taong patuloy na naghihirap. Ngunit, sa kabila nito, hindi natin maitatanggi na isa din siya sa maraming tao na hindi kailanman naisipang sumuko sa labang kinakaharap.
Mabuhay ka, Aling Linda. Patuloy kitang ipagdadasal. Habambuhay nakatatak sa puso ko ang kuwento mo.
Tuesday, October 9, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment